Friday, July 13, 2018

MAPAGBAGONG KALIKASAN

  Admin       Friday, July 13, 2018
ni: Ian Paul P. Atienza

Tunay ngang sa mundo lahat ay nagbabago
Sa panahong lumilipas at oras na tumatakbo
Itong ating planeta'y unti unti nang sumusuko
Yamang likas ay nauubos, nasisira't naaabuso

Kung dati'y luntian ang makikita sa kapaligiran
Malalagong taniman at mga kabukiran
Ngayo'y malalaking gusali at malawak na kabahayan
Ang iyong matatanaw mula sa hangganan

Iyong malalanghap sariwa pang hangin
Mula sa mga puno at iba't-ibang halaman
Simoy na idinudulot na kay sarap damhin
Ngunit ito nga ba'y hanggang pangarap na lamang

Sapagkat ngayo'y ating paligid ay napupuno
Ng mga basura, usok at alikabok
Sa lupa, hangin at tubig, polusyon ang natamo
Dahil sa pinagsama samang bulok at di nabubulok

Nakakalbong kagubatan at mga kabundukan
Sa paglipas ng panahon ay ating namamasdan
Nagdudumihang ilog at mga karagatan
Sira na ang kalikasan, iyan ang katotohanan

Kung dati'y tagapangalaga, ngayon ay taga-sira
Mga taong inatasan ng ating bathala
Tayo pang may kaisipan ang siyang nangunguna
Sa pagsira ng ating mahal at hiram na planeta

Kung dati'y pinapangalagaan mga hayop na naninirahan
Ngayon ay inaabuso, sinasaktan at minamaltrato
Hindi alintana magamit lamang sa kabuhayan
Sa mga gawing ito, tayong tao pa nga ba ang talo?

Magagandang tanawin dati'y dinarayo
Ngunit ngayo'y nawala na dahil sa mga tao
Mga taong walang puso at 'di disiplinado
Nangingisda at nangangahoy kahit walang permiso

Kung dati'y malilinis na karagatan ang nalalanguyan
Ngayon ay puno na ng basura at sari-saring kemikal
Ang dati'y malago, ngayo'y nakakalbo nang kabundukan
Ipinagkaloob ng maykapal sinira ng kawalan ng pagmamahal

Kawalan ng pagmamahal na s'yang pinag-ugatan
Ng lahat ng pagbabago sa ating kalikasan
Ang kalupitang ito'y agad nang wakasan
Nang sa lahat ng nilalang ito'y muling maging tahanan
logoblog

Thanks for reading MAPAGBAGONG KALIKASAN

Previous
« Prev Post

No comments:

Post a Comment