Tuesday, July 10, 2018

PASENSYA NA

  Admin       Tuesday, July 10, 2018
ni: Rain Dennise M. Lumucso

Mahal naalala ko pa yung mga panahong sobrang okay pa nitong ating relasyon. Panahong kung mayroon mang hindi pagkakaunawaan ay agad nating binibigyan ng aksyon. Kapwa nga natin ayaw mawala ang isa't isa kaya't pigil na pigil ang mga reaksyon. 

Kung mayroon mang mga pagtatalo ay kontrolado pa rin ang tensyon. Naalala ko pa din yung mga paguusap natin na umaabot hanggang hatinggabi kung kelang di sinasadya'y naipakilala natin ang ating mga sarili, kung kelang ang mga text at tawag ay sinasagot nang walang pagaatubili at di namalayan na mga alaala'y atin nang hinahabi. 

Mahal naalala ko pa rin yung mga araw na nabibigyan mo pa ako ng sapat na atensyon hinihintay mo pa nga ako sa room tuwing hapon kapag uwian na, mahal ang sarap sa pakiramdam non. 

Hindi ka pumapalya sa mga pakulo at sorpresa kapag may okasyon, sobrang sweet mo pa talaga dati, di tulad ngayon. Hindi tulad ngayon na kapag nagaaway tayo'y wala ka nang pakialam sa kung anumang aking madarama. 

Mga salita'y walang preno kung minsan pa nga'y nagmumura na. Hindi tulad ngayon na tila sawang sawa na sa aking presensya. Sa mga di mo sinagot na text at tawag ko'y ang sagot mo lang ay pasensya. 

Ganito nga ba talaga ang ikot ng isang relasyon? Ang dating nagbabagang mga damdamin ay mawawala rin paglaon? Mga binuong alaala'y unti unting mababaon sa paglipas ng panahon at sa huli'y masasabi na lang na natuto na ako ng aking leksyon. 

Pero mahal bakit ang daya daya mo naman? Bakit parang ikaw lang tong nawalan ng gana kinalaunan? Kasi kahit sampu o higit pang taon ang lumipas mahal ikaw at ikaw pa rin ang aking tatakbuhan. 

Mga ngiti mo'y araw araw ko pa ring nanaisin mg masilayan kasi mahal nagiisa ka lang na gusto kong makasama hanggang sa walang hanggan. 

Kaya't kung sasabihin mong ayaw mo na, pasensya na kasi mahal hindi kita kayang pakawalan at pipilitin ko pa ring ipaglaban itong ating nasimulan. 

Sobrang mahal na mahal kita at hindi ko kayang kalimutan, hindi ko kayang kalimutan na minsan tayong nangarap, nangarap bumuo ng pamilya at magandang kinabukasan. 

Tatapusin ko ang tulang ito sa pagbibigay ng pasasalamat sayo. 

Salamat dahil sayo'y naranasan ko kung gaano kasarap ang magmahal at mahalin. 

Oo, mayroong mga pagsubok pero lahat yun worth it kung magkasama nating haharapin. 

Sana'y sa mga dadating pang panahon ay kayanin pa natin dahil kung hindi, ay hindi ko kakayanin na mawala ka sa akin.
logoblog

Thanks for reading PASENSYA NA

Previous
« Prev Post

No comments:

Post a Comment